" It takes courage to grow up and become who you really are. ~e.e. cummings "
Uso to ngayon kaya makikigaya na ako. Bilang isang Diosa, karapatan ng aking mga dama na makilala ako ng husto. This will be the top 50 things that's all about me.
1. Ayoko sa Pizza. Hindi sa ayaw ko sa lasa nito, may bitter experience lang ako na involved ang food na 'to. Kaya everytime na nagyaya ang mga officemates ko na kumain ng Pizza hindi ako sumasama.
2. Malakas akong kumain. Kung makikita mo ako sa personal, hindi halatang kumakain ako ng 2 1/2 rice or more every meal. Patpatin lang talaga ako. Balingkinitan ang katawan.
3. Mahilig ako sa Pinoy dishes. Kahit gaano pa kasarap o kasosyal ang isang pagkain basta't hindi Pinoy, nunca na masama sya sa listahan ng pagkain na gusto kung alaming lutuin.
4. Mahilig akong mag-alaga ng hayop. Sabi kasi nila pag marunong kang mag-alaga ng hayop, magiging magaling na syota ka raw kasi may experience ka na.
5. Mahilig ako sa larong Pinoy. Natatandaan ko pa kahit nung 3rd year college na ako sumasali pa din ako sa mga kapatid at pinsan ko pag naglalaro sila ng habulan o di kaya baril-barilan.
6. Mahilig akong mamili ng damit. Mumurahin man yan o branded bastat nagustuhan ko, bibilhin ko. Pero di ko gagamitin madalas ang iba. Minsan kahit sa opisina kung mapapansin nyo, marami akong damit na minsan ko lang isuot meron naman na every week ko suot. Minsan kasi may mga damit na kahit alam kung maganda di ako feeling maganda pagsuot yun. Chos.
7. Mahilig ako sa regalo. Mas naapreciate ko yung gift pag food yun. Pero di ko kakainin yan. Itatago ko lang yan hanggang sa mag-expire o di naman kaya titigan ko lang yan hanggang sa ang nagbigay saken mismo ang magpakain saken.
8. Mahilig ako sa bulaklak lalo na yung orchids. Namana ko to sa mama ko. Lumaki akong napapaligiran ng mga ito ang lumang bahay namin sa probinsya. Kaya lang napabayaan na lately. Di na kaya ni mama. May mga bagay na dapat mas paglaanan ng panahon.
9. Paboritong prutas ko naman ang suha. Lalo na yung pula from Davao. Madalas kasi nung bata ako pag-uuwi si Tatay galing ng Davao, kahon-kahong suha ang dala nya. May puno nga sa bakuran namin nito ngayon. Sana sa paguwi ko maraming bunga na.
10. Lola's boy/girl ako nun. Si Lola Salvacion ( sumalangit nawa ) ang nakalakihan kung nag-aalaga saken. Natatandaan ko pa, pag may lagnat ako nung bata ako, ang gagawin ni Lola, aakapin lang ako sa buong magdamag para daw mainitan ako at pagpawisan. Lagi naman akong gumagaling agad.
11. Mga 6 years old palang ako nag-iinum na ako ng beer. Si Lola ko din ang nagturo saken, Meron kasi kaming tindahan nun at si Lola bago matulog, iinum yan ng isa or dalawang bote ng pale pilsen na beer. Ako naman kasi atribida ako kumukuha din ako ng sarili kong baso, tatabi kay Lola at iinum din. Mga kalahating baso lagi binibigay saken nun, di ko naman nauubos.
12. Mahilig ako sa mga fiesta. Si Lola din kasi dati sa dami ng kakilala sa probinsya namin, everyday may pinupuntahang fiesta pag May. Ako ang lagi nyang bitbit nun.
13. Homebuddy akong tao. Mababaw lang ang kaligayahan ko lalo na pag nakatambay lang ako sa bahay. A good movie and good food. Solve na ang restday ko.
14. Mahilig akong magluto. Filipino dishes din ang madalas kong pinag-aaralang lutuin. Sa ngayon especialty ko na ang sinigang, menudo, afritada at caldereta.
15. Ayokong naghuhugas ng plato. Sa lahat ng mga gawaing bahay ito yung hindi ko alam kung bakit pero parang diring-diri talaga ako.
16. Panganay ako sa mama ko pero pang siyam ako sa Tatay ko. Second family kami pero I have never ever felt na second lang kami sa Tatay ko.
17. Mahilig ako sa mga larong panlalaki kahit nung bata pa ako. Baril-barilan, habulan, tumbang preso pero di ko alam kung bakt naging bading ako. Wala din naman sa lahi namin.
18. Di ako mahilig sa chocolate. Kung liligawan mo ako, dalhan mo ako ng ibang pagkain o di kaya bigyan mo ako ng love letter. Mas sweet para saken yun.
19. Mahilig ako sa mga tula. Paboritong tula ko ay yung kay Ildefonso Santos. Yung " Sa Tabi ng Dagat. "
20. Mahilig ako sa mga love stories kesa sa mga adventure books. Romantic-Comedy man yan o di kaya Tragic basta love story, pasok saken yan.
21. Mahilig din akong magsulat ng kung ano ano lang kahit na walang kwenta. It's my way of venting out.
22. Mahilig ako sa kape. Dream Job ko ang mapalibutan ng maraming maraming kape. Gustong-gusto ko ang amoy nito lalo na pag bagong gising palang ako. Nakakagana.
23. Ayoko sa lahat ng hayop ay yung bull frog. Madalas akong magka-goosebumps dahil sa balat nito. Kadiri.
24. Ayoko sa mga pagkain na may cinnamon. Hindi ko gusto ang lasa nito na minsan sumasama sa hininga. Sumasakit ang ulo ko.
25. Mahilig ako sa gulay. Paborito kong kaninin ay ang ginisang ampalaya at pakbet. Kaya di ako naniniwalang nakapagpapataba ang gulay kasi hanggang ngayon, sexy and thin pa din ako.
26. Mas gusto kong pinanonood ang mga Pinoy Films kesa sa foreign ones. Mas madali kasing intindihin ng walang effort ang kwento.
27. Tamad akong maglaba. Kung magpalaba man ako, isa lang ang rule ko. Bawal ang washing machine.
28. Natuto akong tumipa ng tiklado ng Piano. Graduation ko ung elementary nung regaluhan ako ng tatay ko ng Piano. Hindi ko man lubos na napag-aralan pero at least hindi naman ako naging sintunado.
29. Mahilig akong magbudget ng pera pero never pang nasunod ang budget na yun. Pero mula ngayon pipilitin ko na. ( Sinabi ko na rin to dati. )
30. Sentimental akong tao. Emotional pero ayokong nakakita ng mga taong umiiyak lalo na sa larangan ng pag-ibig. Kung kaibigan mo ako at nasa sitwasyon kang ganyan. Papatawanin kita. Pero pag ako naman, huwag mo nalang subukan.
31. May dalawa akong stuff toys sa bahay. Una isang teddy bear na Harold ang pangalan. Bigay saken ni Harold yung dati kong officemate at yung isa si Gerald. Bigay ni Ex. Di pwedeng mawala sa kwarto ko ang dalawang yan. Gira ang mangyayari pag nagkaganun.
32. Hindi ako mahilig gumimik. Paglumabas man ako, ang gusto ko pag-uwi ko nakangiti ako. Kaya mas gusto ko sa mga comedy bars kesa sa mga resto bars.
33. Nung bata ako, ultimate crush ko nun si Rustom Padilla pero di ko inaamin sa sarili ko na bakla ako. Ang gwapo nya nun sa pelikulang " Sana Dalawa ang Puso Ko ". Ngayon hindi na, maganda na kasi sya gaya ko.
34. Lahat yata ng genre ng music gusto ko. Pero pagkumakanta ako forte ko yung Rock. Kaya bansag saken ni bestfriend rakistang bakla. Favorite ko sa mga ganito si Bon Jovi, Nazareth at Michael Bolton.
35. Mahilig ako sa anime. Dragon Ball Z, Princess princess, Digimon at marami pang iba. Hindi mo pwedeng ilipat ng channel pag nanunuod ako nito. Gulo ang hanap mo.
36. May collection ako nung high school ng Tamiya Racing Cars. Binilhan pa ako ni Tatay ng race track nun kasi yun yung usong-uso sa mga lalaki. Pero at that time tanggap ko nang bakla ako. Pero kahit ganun naging die hard fan din ako ng larong to.
37. Hindi ako relihiyosong tao pero huwag mo akong pariringgan na dadautin mo ang nakagisnan ko ng paniniwala dahil di kita uurungan sa isang matinding debatehan.
38. Hindi naman sa pagmamayabang pero honor student ako lagi nung elementary. Nung high school naman nung 4th year lang kasi nagloko pero nasa top 10 pa din. Matalino nga daw ako sabi ng mga naging teacher ko. Bobo naman pagdating sa practical na mga bagay gaya ng pag-ibig.
39. Melodramatic akong tao. Sad song palang nadadala na ako, naiiyak.
40. Mahilig ako sa bata. Sobra. Kaya siguro kung naging babae man ako sigurado akong di man ako ang perfect wife, ako ang best and perfect mother.
41. Di ako magaling sa confrontation lalo na pag bago pa ang issue. Nauunahan ako ng emosyon kesa matinong desisyon.
42. Merong dalawang taong pinaka-mahalaga sa buhay ko. Ang Mama ko at ang Lola ko. Nauna na si Lola, si Mama na lang ag natitira kaya lahat ng di ko naipakita kay Lola, gagawin ko kay Mama.
43. Kwentuhan mo lang ako ng tungkol sayo. Sa mga pinagdaanan mo. Feeling ko nun close na tayo kasi pinagkatiwala mo na ang iilang piraso ng pagkatao mo.
44. Madali akong main-love. Di ako mahilig sa gwapo, basta mabait. Pag naging tayo, asahan mong lahat ng sasabihin mo paniniwalan ko ng walang duda. Kaya madali din akong maloko at masaktan.
45. Pag may karelasyon ako, requirement saken ang makilala kahit sino sa mga kamag-anak mo. Ito yung talagang basehan ko kung seryoso ka saken at di mo ko kinakahiyang maging karelasyon.
46. Kung itinuturing kitang kaibigan mapalad ka. Kaya kong panindigan ang kahulugan ng salitang kaibigan.
47. Wala akong di gagawin para sa pamangkin kong si Kito. Sya na ngayon ang direksyon ng buhay ko.
48. Ilang beses na akong umasa na darating din ang araw na makikita ko din ang taong nakalaan saken. Ilang beses man akong mabigo, masaktan at umiyak pero ni kailanman di ako mapapagod magmahal. Kung sino man ang taong yun, mapalad ka saken ka napunta. Ngayon palang sinasabi ko na sayo, " Di ka magsisisi na ako ang minahal mo. "
49. Family -oriented akong tao. Kung meron mang bagay na di pwedeng mawala sa sistema ko sa pang-araw-araw, yun ay ang pamilya ko.
50. I don't believe in the saying " Promises are made to be broken. " kasi ako kaya kung panindigan yan. Kung nangako ako sayo na di kita iiwan hanggat kailangan mo ako, maniwala kang di ko gagawin yun. Ganito ako magmahal. Tapat at ikaw lang talaga sa buhay ko.
Habang sinusulat ko to, akala ko di ko mabubuo, kulang pa pala. Salamat sa nagumpisa nito. Nakakagaan pala sa pakiramdam ang maisulat mo sa kung sino ka sa tingin mo at hindi sa tingin ng iba.
Til Next Time,
Diosa