Friday, October 28, 2011

Pangarap Ko Ang Ibigin Ka Part 4


" People say love is lovelier the second time around, but for me second chances are only worth if you're with the right person."

Ang tagal ng inintay ni Nathan ang pagkakataong 'to. Lakas loob na syang nagpunta sa bahay nina Bj. Hindi nya alam sa ngayon kung saan at paano nya uumpisahan. Kanina pa syang nakatayo sa harap ng bahay nito, nakakubli nga lang sa may likod ng halaman at susulyap-sulyap na baka may taong dumungaw sa may pinto. Alam nyang sa gagawin nyang pakikipagkita, maraming bagay ang muli nyang babalikan, at sa pagbubukas ng mga yun, hindi nya masabi ang mga pwedeng patunguhan. 


" Pero walang mangyayari kung di ko susubukan. " sa isip-isip nya. Naudlot ang malalim nyang pag-iisip nang napaigtad sya dahil may isang kamay ang biglang dumantay sa tagiliran nya.


" Ay, ano ba yan ! " Muntik na syang mapasigaw.


" Sino po ang hinahanap nila? " Magiliw na bati ng taong may-ari ng kamay na humawak sa kayang tagiliran.


Laking gulat nya nung makita ang lalaking nagsalita. Hanggang ngayon napapatulala pa din sya sa tuwing nakikita nya ang aking kagwapuhan nito. Gusto nyang tumakbo palayo, pero ni ayaw sumunod ng mga paa nya sa utos ng utak nya. Hindi nya mahabol ang hininga sa sobrang kabang nadarama at nararamdaman nyang may mga mumunting butil ng malalamig na pawis ang unti-unting naglalandas sa mukha nya. Hindi nya maipaliwanag ang naging reaksyon ng katawan at utak nya. Hindi nya mapigilan ang regodon ng puso nya. 


" Hindi dapat ganito ! " Sita nya sa sarili. 


Bj : Nathan? Ikaw nga ba yan?
Nathan : Oo naman. Kuk..u..musta ka? Hindi mo man lang ba ako patutuluyin? 


Pinipilit nyang ikubli ang kabang nararamdaman sa pagkikita nila. Pero hindi nya napigilan ang pagkautal nya dahil dito.


Bj : Oh, of course. Pasensya ka na. Nabigla lang ako. Hindi ko alam na nakauwi ka na.
Nathan : Oo nung isang araw pa. Naisipan ko lang na puntahan ka.


Nauna syang pinapasok nito at saka ito sumunod sa kanya papasok ng bakuran nila matapos maisara ang gate.


Wala pa ding pagbabago ang bahay nina Bj, sa isip-isip ni Nathan. Nandun pa din ang hardin ng mga rosas na sya namang paboritong bulaklak ng mama nito.


Nathan  : Kumusta na nga pala ang mga magulang mo ?


May nakitang syang paglitaw ng kunting lungkot sa mga mata nito ng maitanong nya iyon.


Bj : Mas maganda yatang pag-usapan natin yan sa loob. Anong gusto mong inumin ?
Nathan : Kahit na ano. Kape siguro.
Bj : Sige saglit lang at ipapahanda ko kay Aling Nida.


Iginala nya ang paningin sa kabuuan ng buong bahay. Ganun pa din ang hitsura nito sa abot ng kanyang ala-ala. Liban lang sa iilang mga makabagong appliances. Ang buong sahig ay yung makintab na lumang kahoy pa din kasama ng ibang mga muebles. Hindi napabayaan ang buong kabahayan at napanatili ang magandang hitsura nito. Malinis ang buong paligid at naaamoy nya ang halimuyak ng ibat-ibang bulaklak na nagmumula sa hardin ng mama nito. 


Naputol ang pagmumuni-muni nya ng dumating ang katulong na may dalang dalawang tasang kape at kakanin na nakalagay sa maliit na pinggan. 


Nathan : Kumusta na po kayo Aling Nida ?


Tanong nito sa matanda ng mailapag ang dala-dala nito. Tipong inangat ng matanda ang kanyang salamin upang suyurin ang kanyang kabuuan.


Aling Nida : Nathan ? Ikaw na nga ba yan ?
Nathan : Opo. Kumusta na ho kayo ? 


Tumayo sya upang akapin ang matanda.


Aling Nida : Naku, hijo bakit ngayon ka lang umuwi. Ayos naman ako dito hijo. Gaya ng naipangako ko sa sarili ko upang suklian ang kabutihang loob ng pamilya ni Bj, hanggang ngayon dito pa din ako sa kanya at nang maalagaan ko ang kaibigan mong yan hanggat kailangan nya pa ako. 


Magmula ng makita ng pamilya ni Bj si Aling Nida sa simbahan sa bayan, kinupkop nila ang matanda. Ulilang lubos na daw ito ang ni isang kamag-anak wala ng gustong kumupkop. Wala naman itong naging pamilya ayon dito. At bilang pagtanaw ng utang na loob, nanilbihan ito sa pamilyang iyon magmula nun. Hindi man ito hiniling ng pamilya nito, ginawa iyon ng matanda bilang sukli na din sa naging kabutihan ng mga ito.


Aling Nida : Bakit ngayon ka lang napadalaw saten ?
Nathan :  Ngayon lang po kasi ako nagkaroon ng oras sa dami po ng trabaho.
Aling Nida  : Ganun ba. Sana naman mapadalas ang bisita mo dito saten.
Nathan : Sana nga po. Nami-miss ko din po kasi itong lugar naten. Ang dami na nga pong nagbago.


Nakita nyang paparating si Bj habang nag-uusap sila ng matanda. Umupo ito sa kaharap na sofa nya.


Bj : Oh bakit dalawa lang itong kape ? Kayo po Aling Nida ?
Aling Nida : May gagawin pa ako sa likod bahay hijo. Hindi pa tapos ang paghahanda ko ng lulutuin para mamayang tanghalian. Oh, sya maiwan ko muna kayo at alam kong madami-dami kayong pag-uusapan.


Tumayo na ito at naglakad patungong kusina na nasa likod bahay.


Nathan : Ang bait talaga ni Aling Nida. Hindi nagkamali ang mga magulang mo nang ampunin nyo sya.
Bj : Oo nga eh. Minsan nga kahit di na pinagta-trabaho dahil nga sa matanda na ito, nagagalit pa kasi daw parang ang kapal naman daw ng mukha nito pag di pa kumilos eh pinatira na nga daw ng libre at pinapakain pa.


Nangiti silang dalawa sa isiping iyon nung matanda. Humarap si Bj kay Nathan.


Bj : Kumusta ka naman sa Maynila. Ang tagal din nating di nagkita, mga limang taon ?
Nathan : Oo nga. Naging maayos naman ang trabaho ko pagkatapos ko sa kolehiyo. Naging abala sa pagkayod kaya ngayon lang ako nagkaroon ng oras ng umuwi. Kumusta naman ang mama at papa mo ?


Bigla itong natigilan at may sumilay na lungkot sa mga mata nito.


Bj : Matagal na din silang hiwalay. Maglilimang taon na din. Si mama, nasa Canada na at may bago ng pamilya at si papa, nasa Maynila na at may pamilya na din.


Nabigla sya sa narinig na balita. 


Nathan : I'm sorry to hear that.
Bj : Naku, okay lang tanggap ko na. Hanggang ngayon naman kasi magkaibigan pa din sila at nag-uusap paminsan pag may pagkakataon. Last year, nung umuwi si mama, umuwi din si papa at nag-stay ng 2 days para daw magkakasama kami ulit. Hindi ko nga maintindihan yung naging paliwanag nila saken nun kung bakit kailangan nilang maghiwalay, but I guess I've discovered it in time.


Naging malungkot ang anyo nito habang nagkwe-kwento.


Bj : Sabi nga ni mama nun. Hindi ibig sabihin na maghihiwalay sila wala na din ang pamilyang ito. Sila lang ang maghihiwalay at hindi ang pamilya nila. Iniwan nila saken ang buong farm kasama na ang bahay nito. Tinanong nila ako nun kung kanino ko gusto sumama, sabi ko wala. Kaya magmula nun, ako na lang dito sa bahay kasama ni Aling Nida. Ang kita ng buong farm nun ay diretso na sa ATM card ko na binigay ni papa. Sya pa din ang nagpapatakbo nito noon pero meron na syang ibang negosyo para sa sarili nya. Ibinigay nya saken ang buong pangangasiwa nito magmula nung tumuntong ako ng 18. 


Muntik na syang tumayo upang yakapin ito. Gustong-gusto nyang gawin iyon ng mga oras na yun.


Bj : Siguro nga ganun talaga, walang bagay na pwedeng magtagal sa panghabang-buhay. Lahat may katapusan pero, hindi ibig sabihin nun tapos na din dun ang buhay mo. Ang kailangan mo lang ay maghanap ulit ng bagong rason para magpatuloy.


Humugot ito at huminga ng malalim. Kumuha ng isang tasa ng kape si Bj at iniabot sa kanya.


Bj : Eh, ikaw anong mga nangyari sa'yo ?


Gusto nya ng lumapit dito at sabihin na mula noon hanggang ngayon wala syang ibang ginawa kundi ang mahalin ito. Na magmula ng iwan sya sa hotel sa Puerto Galera, wala syang ibang inasam kundi ang bumalik ito. Pero, alam nyang hindi nya pwedeng gawin yun.


Nathan : Wala namang gaanong nangyari saken. Liban lang sa iilang promotions na natanggap ko sa trabaho, wala ng iba pang nangyari. Naging subsob lang ako sa trabaho kaya ngayon lang din ako nagkaroon ng pagkakataon na makauwi.


Nakatitig si Bj sa kanya.


Bj : Bakit hindi mo na sinagot ang mga sulat ko, tawag at text ? Gusto kung magpaliwanag nun. Inaantay ko ang pagkakataong ito na makapagpaliwanag sa'yo sa mga nangyari.


Gumaralgal ang boses nito ng kunti at iniwas nya naman ang tingin dito. Hindi nya alam kung paano haharap ngayon dito. Ang nabuo nyang planong tuldukan ang lahat ay mukhang hindi nya na kaya pang panindigan.


Bj : Magmula nung gabing iyon, pinilit kong sabihin sa'yo na bigyan mo lang ako ng panahon na kilalanin ang sarili ko. Sumabay pa ang mga pangyayari sa pamilya. Ayokong magpakita sa'yo ng hindi ko pa alam kung sino talaga ako. Ayokong humarap ulit sa'yo ng hindi ko pa kilala ang sarili ko. 


Pinilit nitong ngumiti habang pinapahid ang mga luhang naglandas sa pisngi nito. 


Bj : Wala naman akong karapatan na hingin sa'yo yun. Sinubukan ko lang. Pero naiintindihan ko ang lahat Nathan. Ni hindi ko naisip na magalit sa'yo ni magtampo man lang. Ikaw ang mas may karapatan dahil ako ang nang-iwan. Dapat ipinaliwanag ko sa'yo ng harapan ang lahat, kaso naunahan na ako ng takot na baka galit ka at ayaw mo na akong makita. 


Hindi malaman ni Nathan kung saan sya magsisimula. Nabigla sya sa lahat ng mga pangyayari. Nakayuko sya habang nakikinig dito at pinipigilan ang sariling umiyak. Hindi nya alam kung dapat ba syang magpaliwanag o dapat ba syang humingi ng tawad.


Nathan : Bj, I'm sorry. Hindi ko alam. Dapat inalam ko. Dapat nakinig ako sa'yo.


Hindi nya na napigilan ang sariling humagolgol. Itinakip nya ang mga palad sa mukha nya habang umiiyak. Naramdaman nya na lang ang biglang pagyakap nito. Mahigpit na yakap.


Bj : Tahan na. Alam ko. Hindi mo kailangang magpaliwanag. Naiintindihan ko ang lahat at di kita sinisisi.


Mas lalo nyang hindi napigilan ang pag-iyak habang ibinubulong nito ang mga katagang iyon. Binigyan nya ng karapatan ang sarili na aminin dito ang nararamdaman niya hanggang ngayon para dito.


Nathan : Hindi ito ang dahilan ng pagpunta ko dito Bj. Pero I want you to know na hanggang ngayon mahal na mahal pa din kita. Hinding-hindi ka naalis sa puso ko. Kahit na nasaktan ako nung iwan mo ako nung gabing 'yun. Pinilit kong turuan ang sarili kong kalimutan ka but i guess, I really can't dahil hanggang ngayon ikaw pa din ang mahal at sa tingin ko ay mamahalin ko pa.


Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya at hinawakan sya nito sa magkabiling balikat. 


Bj : Salamat sa lahat. Hindi mo lang alam kung gaano ang naging pangungulila ko sa'yo. Gustong-gusto kung sabihin sa'yo ulit to. Sa pagkakataong ito wala ng pero. Mahal na mahal kita.


Hinawakan nito ang mukha nya at kinabig palapit. Namula agad ang pisngi nya. At sa paglapat ng mga labi nila, hindi nya alam kung hanggang kailan ito tatagal. Pero ang alam nya, hindi man lahat ng tao ay matutuwa sa maaring mamagitan sa kanila ni Bj, ang mahalaga ay masaya silang dalawa. 


Bj : Dito ka na magtanghalian. Ngayong nandito ka na kailangan ka lagi sa tabi ko sa lahat ng oras.


Ngumiti ito sa kanya.


Bj : Salamat at naghintay ka. Ngayon, panahon naman sigurong suklian kita sa pagmamahal mo at ipadama ito sa'yo.


Hindi nya alam kung tama o dapat pero ang alam nya masaya sila. At yun ang mahalaga. Alam nyang sa pangyayaring ito, muli nya na namang bibigay kay Bj ang buong sarili at pagkatao nya. Kung dumating man ang oras na kailanganin man nitong iwan sya, sisiguraduhin nyang may babaunin syang masasayang ala-ala sa taong kaisa-isa nyang minahal at mamahalin pa.




Wakas.....




Til Next Time,


Diosa



No comments:

Post a Comment