Tuesday, November 01, 2011

Ang Talaarawan Unang Bahagi : Ang Pagtatagpo



" Hindi ko alam kung tama ang nararamdaman ko para sa'yo, ang alam ko lang masaya ako sa piling mo at ang talaarawan na ito ang maglalaman ng lahat tuungkol sa atin.  "

Nobyembre 1 taong 1896 :

Taong 1896. Nagsimula na ang pagaaklas sa iba't-ibang bahagi ng bansa laban sa pamahalaan ng mga Kastila. Bagamat napakalaki ng tiwala ng pamahalaan na hindi magtatagumpay ang pag-aaklas, nagulat parin ang Gobernador Heneral sa hukbong nabuo ang mga Indio. Matapos na kumalat sa mga pahayagan sa Europa ang balitang isang malakihang pag-aaklas ang ilulunsad ng mga Pilipino matapos ang pagkamatay ni Jose Rizal. Nagpadala ng mga karagdagang sundalo at pinuno ang pamahalaang Kastila bilang tulong na supilin ang pag-aaklas. Sa kabila ng mga balitang ito, panatag pa rin ang aking ama na si Don Ignacio dela Merced na hindi ito magiging sagabal sa takbo ng kanyang hacienda sa Batangas. 

Pagmamay-ari ng aking ama ang isang malaking Hacienda na taniman ng tubo na syang ginagawang asukal na inaangkat papuntang Europa. Galing sya sa mayayamang Kastila na nabigyan ng malalaking lupain ng pamahalaan dahil sa naging kontribusyon ng mga ninuno nito sa pagtataguyod ng Kristiyanismo nuong nagsisimula pa lang ang pagtatayo ng gobyernong Kastila sa Pilipinas. Bagamat, hindi maituturing na purong Kastila sya at ang ama nya dahil sa ang naging asawa ng Lolo nito ay isang Pilipina, hindi ito naging hadlang sa lalo pang pagpapalawak ng impluwensya ng kanyang ama sa lugar nila.

" Hindi kailanman masusupil ng hukbo ng mga Indio ang hukbo ng pamahalaan. Magsasayang lang ang mga ito ng pagod at lakas. " Pagpapaliwanag nito sa isang kausap habang idinaraos sa bahay nila ang isang pagtitipon. Katabi ng aking ama ang aking ina habang sila ay nakikipag-uusap sa mga bisita. Nandun ng mga oras na iyon ang matataas na pinuno ng lokal na gobyerno at ilang mayayamang Insulares sa mga kalapit na nayon. 

" Miguel, hijo lumapit ka dito. " Tawag ng aking ama matapos makitang humiwalay na ako sa aking mga kausap.

Iginiya ako ng aking ama patungo sa kinatatayuan ng Alkalde Mayor at sa katabi nito ang isang magandang Binibini.

" Senior Adolfo, ito nga pala ang anak kung si Miguel ang aking unico hijo. Ngayon lamang sya nakauwi galing sa kanyang pag-aaral sa Europa. " Pagpapakilala nito sa kanya sa Alkalde.

" Ikinanagagalak ko po kayong makilala, Senior " Inilahad ko ang aking kamay upang kamayan ang Alkalde.

" Ganun din ako hijo at ito pala ang aking anak, si Alejandra. " Pagpapakilala naman nito sa katabi. Yumuko ako at inabot ang kamay ng anak ng Alkalde upang hagkan tanda ng aking paggalang.

" Ikinagagalak kong makilala ka Binibini. "

" Akin ang karangalan. " Mayuming sagot naman nito.

" Hindi ba't bagay ang ating mga anak? " Biro ng aking ama. Hinawakan ng aking ina ang balikat ng aking ama.

" Huwag nating pangunahan ang mga bata. " Sita ng aking ina sa aking ama.

" Huwag kang mag-alala, kampante akong magkakagustuhan ang dalawang bata. " Sabay ngiti ng aking ama. At tinapik-tapik nito ang kamay ng aking ina.

" Kung ganun, Miguel hijo, bakit hindi mo kausapin itong aking anak sa may hardin ninyo? Kanina pa nya gustong makita ang mga rosas na nadaanan namin kanina. " Suhestiyon naman ng Alkalde.

" Kung iyong mamarapatin Binibini. " At iginiya ko palabas ng mansyon si Alejandra papunta sa hardin.

" Ang gaganda ng mga bulaklak dito sa hardin nyo. " Puri nya sa magagandang halaman na nakatanin sa hardin.

Malawak ang hardin sa bakuran nila na natatamnan ng mga iba't ibang klase ng rosas at mahahalimuyak nabulaklak. Napapaligirin din ito ng ilang puno ng narra na syang nagbibigay lilim sa buong paligid ng hardin. Iginiya nya paupo sa isang mahabang bangko sa ilalalim ng isang malagong puno ng acacia.

" Kumusta ang iyong pag-aaral sa Europa? " Tanong sa kanya ni Alejandra nung makaupo na sila.

" Maayos naman. Mahirap pero masaya ang pag-aaral ng abogasya. " Sagot ko naman dito. "

" Bakit abogasya ang kinuha mo? Wala ka bang balak na pamahalaan itong Hacienda ninyo balang araw? " Tanong ulit nito na may halong pagtataka.

" Meron naman, pero mas gusto kong tutukan ngayon kung paano ako makakatulong sa ating mga kababayan  lalo na ngayong nag-uumpisa na ang rebolusyon. " Paliwanag ko dito.

Tumayo ito sa isang aristokratang tindig at sabay na humarap sa akin.

" Alam naman nating lahat na hindi kailanman magtatagumpay ang pag-aaklas ng mga Indio. Hindi ito papahintulutan ng pamahalaan. " Pagsalungat nya naman sa aking paliwanag.

" Hindi naman iyon ang aking inaalala, kundi ang ating mga kababayang mapagbibintangan na kasapi ng rebolusyon. Sila ang gusto kung tulungan. " Paglilinaw ko dito. 

" Hindi ako tutol sa mga plano mong iyan, pero dapat na alam mo kung ano ang mga dapat na unahin. Hindi naman siguro lingid sa iyong kaalaman ang plano ng aking ama at ng iyong amang si Senior Ignacio. Ayokong balang araw maging hadlang ang mga plano mong iyan sa plano ng ating mga magulang. "

" Alejandra, maganda ka at inaamin kong hindi ka mahirap magustuhan, ngunit hindi ba masyado pang maaga para sa mga bagay na yan? Ngayon palang tayo nagkakilala? " Tanong ko na may halong pagkabigla.

" Wala nang nakapagtataka sa plano nila. May tutol ka ba? "

" Hindi naman sa ganun. Isa kang kabigha-bighaning binibini ngunit hindi bang mas marapat na makilala muna natin ang isa't-isa? " Paliwanag ko naman dito.

" Sang-ayon naman ako dyan, pero alam nating dalawa na doon din ang patutunguhan ng lahat ng ito. Kaya ngayon palang gusto ko ng malaman mo ang dapat at hindi dapat sa mga plano mo. " Pagtatanggol nito sa sariling pananaw.

Hindi ako makapaniwalang manggagaling sa isang babae ang mga katagang narinig nya. Ni wala itong pagtutulol sa pagmamanipula ng buong buhay ng ama nito. 

" Hindi ko kailanman pinangarap ang magkapamilya ng hindi ko mahal ang taong makakasama ko sa habang buhay. " Sa isip-isip ko nung mga oras na yun. 

Muli kaming naglakad-lakad sa palibot ng hardin. Nakatingala si Alejandra at sinisipat ang isang pugad ng maya sa itaas ng puno ng mabangga sya ng isang lalaki na may dala ng gamit sa hardin.

" Maari bang tumingin ka sa dinadaanan mo. Tingnan mo ang nangyari sa damit mo. Hindi mo makakayang bayaran ito. Hampas-lupa ! " Bulyaw nito sa lalaki.

" Ipagpatawad nyo señorita hindi ko po sinasadya." Hinging paumanhin ng lalaki kay Alejandra.

" Walang magagawa iyang paumanhin mo, napunit na ang laylayan ng aking bestida. " Bulyaw pa rin nito.

" Alejandra, tama na yan. Ipagpapagawa na lang kita ng bago. " Pagpapakalma ko nun sa kanya. " Mabuti pa ay mauna ka na sa loob at kakausapin ko lang sya. "

Sumunod naman ito at nauna ng pumasok ng mansyon.

" Anong pangalan mo? " Tanong ko sa lalaki.

" Emanuel po señorito. Pagpasensyahan nyo na po ako. Hindi ko po kasi agad nakita ang kasama nyo. " Hinging paumanhin nya.

" Miguel, tawagin mo akong Miguel. " Sagot ko sa kanya. " Huwag kang mag-alala, alam ko namang hindi mo sinasadya yun. " Iniabot  ko sa kanya ang akig kanang kamay upang makipagkilala.

" Huwag na po señorito, madumi po ang aking kamay. " Paliwanag nito ng hindi nya kinuha ang kamay ko. Ako na ang kusang kumuha ng kamay nya at nung maglapat ang aming mga palad, hindi ko maipaliwanag ang kakaibang pakiramdam na nadama ko. Tinitigan ko ang mukha nya. Medyo singkit ang mata nya, matangos ang ilong, manipis at mapupula ang mga labi. Bigla akong nakaramdam ng bagay na hindi ko maipaliwanag. Kaagad ko nang binawi ang aking kamay.

" Ikaw ba ang hardinero dito? " Pag-iiba ko sa usapan.

" Opo señorito, pero minsanan lang ako sa isang linggo kung magpunta upang tingnan ang mga halaman. " Paglilinaw nito.

" Miguel na lang ang itawag mo saken. " Pagtatama ko na naman sa kanya. " Maganda ang buong hardin at salamat nga pala kanina. "

" Para saan po? " Tanong nito na may pagtataka.

" Kung hindi mo natabig si Alejandra, malamang hanggang sa ngayon ay magkasama pa kami. Mas gusto ko pa namang maglakad na mag-isa sa hardin. " Paglilinaw ko sa kanyang pagtataka.

" Kailangan ko ng bumalik sa kasiyahan sa loob. Ikinagagalak kitang makilala at kita na lang tayo sa susunod. " Sabay ng aking pagtalikod dun din ako nagtaka sa mga katagang aking nabitawan. 

" Bakit ko nasabing magkita na lang kami? " Tanong ko sa aking sarili. 

Iwinaksi ko ang isipang iyon at tuloy-tuloy na naglakad papasok sa mansyon. Hindi ko alam na pagkatapos ng araw na iyon, isang malaking pagbabago ang mangyayari sa buhay ko.



Itutuloy....


Til Next Time,

Diosa

No comments:

Post a Comment